Nakailang beses din na tuwing tumatawid ako sa Japanese Garden ng USQ, may bumabalik na alaala ng aking pagnananay, edad 31 taong gulang.
Katulad nalang nitong umaga, may nakita akong batang babae, naka-sunhat at nakabota, hinahabol ang mga bibe at iba pang ibon. Parang si Miranda nuon na tuwang-tuwa sa katatakbo sa Prince Park ng Melbourne. At ako naman ang humahabol na sa kanya dahil bigla ko nalang napansin na sa pagpaparaya ko sa kanya ay tila napalayo na ata sya sa aking kinalalagyan. Sa ganung layo, nakikita ko naman lumilingon sya pabalik sa akin at nakangiti pa rin.
Nakailan na itong pagbabalik tanaw sa pagnananay nung bata bata pa si Miranda.
Ngayon, sa edad 19 ni Miranda at edad 50 ko, halos pangungumusta na lamang ang pagnananay ko.
Dahil sa panahon ngayon, ang Unibersidad ng Pilipinas ang patuloy nang pumapanday sa kanyang isip at kamalayan.
It has all been worth it, ika nga.
Ang desisyon naming mamalagi sa Pilipinas ni Vic ay patuloy na sinusubukan ng panahon.
Subalit nanatili kami sa aming paniniwala na dito kami sa bayang Pilipinas karapat-dapat na mabuhay.
Minsan masakit, at tila atang dumadalas ang sakit sa puso, utak at kaluluwa.
Nariyan ang mga kaganapan sa lipunan - pagpapalusot kay Marcos, pagbubulag-bulagan sa kamatayan ni Kian, pilit na pagsasampa ng kaso laban kay Noy Aquino, pagbabale wala ng baho ng bibig at baluktot na pag-iisip ng Pangulo, kanyang hambog na kabastusan sa kababaihan, ang panunubok sa batas ni Kardema, ang posibilidad na pagpapalaya kay Sanchez -- demonyong rapist ni Aileen Sarmiento, at ang patuloy na pambubully ng bansang Tsina sa atin at ating mga katubigan.
Saan ka pa diba?
Sa ilalim ni Pangulong Aquino, mabagal man ang balik ng drivers' license o pagrenew ng passport, kahit paano, nabubuhay kang may dangal. Kahit may konting hirap ang buhay, naipundar namin ang Builders School at matiwasay kaming nakakayod at naitatawid ang lahat lahat. Dahil sa panahong yun, alam namin, tumatakbo ang gubyerno sa naaayon na proseso. Kung kayat patuloy din lamang ang hanapbuhay namin bilang mga guro.
Sa saglit na panganganak at pagnananay sa Builders nakinabang si Miranda, si Mauro, si Anzo at iba pang mga bata sa naitanim naming binhi. At sigurado akong lumalago pa ang buhay ng mga batang Builders sa iba pang mga kagurong nagnananay sa kanila ngayon.
Aking natanto, na ang pagnananay sa Pilipinas ay hindi simpleng pagnananay lamang sa mga pangangailangang ng bata ng pagmamahal, basic needs at pag-aaral.
Ang pagnananay sa Pilipinas ay maihahalintulad sa isang pakikibaka. Nariyan ang saglit kang mamamahinga at pagmamasdan ang pag-usbong ng iyong mga tinanim para lamang kumilos muli sa patuloy na pagpapanday ng kamalayan at perspektibo ng kabataan.
Hindi pa natatapos ang LABAN ni Ninoy.
Nabubuhay pa ang mga multo ng rehimeng ganid.
Subalit masbuhay pa rin sina Allan at Aileen magpa hanggang ngayon.
Sila ang mga kabataang lumaban nuon sa kabalastugan ng may kapangyarihan sa lokal na komunidad.
Sa kanila at sa mga ISKO at ISKA ng Bayan ako nakadarama ng panibagong lakas. Kasama na diyan sina Miranda, Kimy, Andre, Bea, Kim, Patricia, at Julia, Jed, Zaq, Luis at Matt. Kasunod na sina Summer at Bayan...at napakarami pang iba.
Sa aking FB, nariyan ang mga batang COLF: sina May-i, Leni, Chloe, Paolo, Dinbo, at Oey.
Special mention: Senator SJ ng UPOU.
At sa mga kakilalang mag-asawang mga guro na naitatawid ang buhay ng pamilya, klasrum at eskwelahan. Bagamat kakaunti tayo, kay rami ng ating mga kaklase=estudyanteng kasama sa pakikibaka.
Sa kanila at sa aking mga anak, buhay pa rin ang aktibismo.
Alam nila na hindi sapat ang maayos na lisensya, passport o trapik o materyal na pangangailangan.
Sa aming mga guro, hindi sapat ang masayang klasrum, pinagkakasyang sweldo o permit to operate.
Kung kaya't patuloy ang pagnananay at pakikibaka.
Patuloy ang pagpapahalaga at pagbabantay ng karapat dapat sa isang pagiging Filipino - ang malayang pag-iisip, matalinong paghanap ng solusyon, pagtutulungan, pakikinig at pagmumuni...
upang kumilos nang may dangal.
Ergo, everything that this freakin' D****tuta doesn't stand for!
Kaya sa mga tumutuligsa sa mga rally o sa pagproprotesta ng kabataan ngayon, sa mga nang-aakusa sa aming mga aktibista sa aming mga klasrum at komunidad, marahil inggit lang kayo. Hindi kase ninyo kayang mamulat sa katotohanang kami ang patuloy na kumakayod para sa tunay na pagbabago kung saan kayo mismo ang nakikinabang. Kaysa mainggit o magalit, umunawa nalang at magpasalamat.
At oo, may karapatan akong sabihin lahat ito dahil produkto ako ng buwis na pinagpaguran ng lahat. May RoI na ako at patuloy akong mag-aambag sa bayang ito, hindi upang maningil kundi karapat-dapat para sa Pilipinong hindi nabubuhay para sa sarili lamang.
Is that understood, children?