Mahigit kumulang, dalawampu't araw nang nakalipas magmula nung napadpad sa ELYU, ikaw at ako.
Maraming naganap na nagbabalik-luha sa aking mga mata. Subalit pilit pa rin, salamat sa dasal at sa Panginoong Maykapal, na nais kong balikan ang nakakatuwa at munting alaala ng kasiyahan kasama ka. Sabihin na nating panandalian, subalit tunay naman naganap. Praktis na rin sa kin ito bilang nanay mo na desididong gamapanan ang kanyang tungkulin sa paniniwalang may mga bagay-bagay sa buhay natin na nilalaan ng Diyos bilang pagsubok, bilang paalala ng kanyang pagmamahal, pagkalinga at tulad nga ng sabi ng sa pari kanina, isang Diyos ng sanlibo't isang pagkakataon.
Pagkatapos ng una nating f2f sa ospital, at naihatid na namin ang ate mo sa kanyang dorm, at sumaglit kami sa Sweet Inspi, di matanggal sa isip ko ang ilang mga bagay na sinabi mo. Tunay kong nauunawan ang kalagayan at pakiramdam mo subalit sa ngayon talaga, wala pa akong magawa kundi mag-antay at magtiwala na makakatawid ka at tayong lahat sa pagsubok na ito. Marami kaming napagusapan pa rin ng iyong tatay habang pauwi sa C5. At papalapit sa tollgate bago tumuloy sa SLEX, di ko pa rin napigilan ang luha ko. Mahapdi pa rin kahit anong gawin ng isipan at katawan ko. Nadarama ko ang iyong pagtataka at galit nang sinabi mong hinawakan ka sa leeg at akala mo'y kikitilin na ang buhay mo ng kung sinong humahawak sa iyo sa ospital. Ayon sa kwento mo, may nakita kang pader na humihawalay sayo at sa amin. Totoo ang naramdaman mo, dahil ganun din ang pakiramdam ko nang nahiwalay kami sa iyo. Yung wala kaming magawa kundi mag-antay sa labas kwarto mo, na hindi namin man lang nakikita anong itsura mo, anong kalagayan mo, ano nang nangyayari sayo. At bago lahat ng iyon, matagal naming pinag-isipan ng tatay mo kung ito nga ba ang karapat-dapat na mangyari. Kaya kanina binalikan ko rin lahat ng mga nasa isip ko na marahil huli ko nang babalik-balikan ang mga iyon dahil kelangan kong pilitin ang sarili ko na mag-isip ng mga bagay-bagay na higit na makakatulong sa pagbuti ko.
Kaya alam at ramdam ko ang ibig mong sabihin. Siguro para sa iba, batay sa kwento mo, parang walang katututuran ang pinagsasabi mo hanggat di nila makita ang pagsisisi mo. Siguro din nais nilang makita ano pa kaya ang pagbabagong magaganap sa mga susunod na araw.
Minsan may mga araw, nakakapanghina na wala ka pa rin dito. Minsan naman, tuloy pa rin ang buhay ko sa trabaho na kaya pa naman gawin kahit di ka namin kasabay sa hapag kainan. Bumuti-buti na rin ang pagtulog ko. At higit sa lahat, tuloy ang espesyal na mensahe ng Panginoon sa kin at sa min ng tatay mo. Ang mensahe ngayon ay paalala ni Lord na kakayanin ko ito. Ang panahon nating magkahiwalay ay di lang para sa iyo kundi para rin sa kin, magiging taimtim at ganap sa paniniwalang aayos at aayos ang mga bagay-bagay. Kasama sa paniniwalang may pag-asa pa ako at tayo, ililista ko dito magagandang alaala ko:
> ang pag-asikaso mo sa baon natin, lalo na yung mga pakete ng emergency meds
> ang pag-ayos mo ng sarili mong gamit kaya tumambok nang todo ang Targus backpack na pinamana na sayo ng tatay mo (binili ko sa airport ng Malaysia, minsang nag stopover papauwi ng Pinas
> ang pag-ayos at paglipat ng mga bag at gamit natin sa bus station
> pagshare mo sa kin ng vanilla coke
> yung ginising mo ako dahil nasa SF na tayo
> nung pagbaba natin, nauna ka at inabangan mo ko pagbaba mo at inalalayan mo ako
> yung una mo nang kinausap yung Silong resto upang duon tayo mag-antay
> yung naisip mo, order tayo ng umagahan nang pagka-aga-aga
> yung excited ka at na-excite tuloy ako kahit mga 5.30 am pa tayo pinapasok sa transient home
> yung paggising ko, sinama-sama mo sa isang kanto ng kwarto yung gamit mo
> yung nagtext para magsabi kung nasaan ka na at nagkwento saglit na marami ka nang gawa at abala ka
> nung nagyaya ka nung hapon na tumambay saglit sa beach
> nung hinanapan mo tayo ng lugar para mag-dancing
> nung pag-uwi sabi mo, 'thanks ha, nanay, thank you'
> nung kinaumagahan, binilhan mo ko ng kutsinta
> nung sabi mo kain tayo sa Turtle Beach resort dahil alam mong naghahanap ako ng gulay at naghahanap ka naman ng internet, nakatapos tuloy ako ng pag-tsek ng FMA
> yung niyaya mo ako sa Robinsons SF para makapag-pedicure ako samantalang bibisitahin mo yung gym sa Burgos St.
> nung kinausap mo ako para huminahon nang sa gayon maging maayos ang pag-uwi natin
> nung umagang maaga kang pumasok para makapunta ako sa palengke ng San Juan
> nung sinubukan mong hanapin yung Poka coffeeshop para magkita tayo pagkatapos ng araw mo sa Lorma
> nung sa gitna ng iyong pag-aalala, naisip mong protektahan tayong dalawa at sumunod ka naman sa kin para lumipat tayo ng ibang lugar
> nung nakinig ka mamang nakilala natin sa 7-11
> nung kinausap mo yung mamang lasing upang siya'y kumustahin
> nung naisip mong magbyahe pa Ospital ng Lorma
> nung tinirhan mo ako ng adobong almusal mo kinaumagahan
Ipon ko lahat yang matitinong alaala ng ikaw at ako sa ELYU dahil gustong gusto kong maniwalang di lang yan ang huling pagkakataon natin sa duon.
Sinubukan na naming planuhin ng tatay mo ang muling pagbabalik duon para sa eksam mo at graduation mo. Bibitbitin natin ang lolo't lola mo, kakain tayo sa magandang view ng Kabsat.
Siguro bago dun, mauupo muna kami sa audience habang nag-aantay sa pag-akyat mo sa entablado.
At tatayo kami kapag tawag ng pangalan mo, kasama ng malakas na palakpak at hiyaw mula sa Tata Dindin at Tatay mo. Marahil mapapangiti mo si Cleo. Sigurado akong, maiiyak ako, pero luha ng ligaya marahil na sa wakas, nakarating tayong muli, at masbuong-buo bilang ikaw at ako.
Mahal pala kitang tunay. Hindi pala basta-basta malilimutan ng ina ang kanyang anak.
Kung si Nezuko nga grabe bantay sa mga kuting nya!