Noong kamakailan lang, napainom ako ng Pale Pilsen, pagkatapos ng ilang buwang hindi nakakainom. Humirit ang kasama ko na napaka-OCW ng dating ng Pale Pilsen. Ok lang naman talaga kase sa totoo lang, yun din naman ang pakiramdam ko itong mga huling linggo, lalupa't sa kakabiyahe sa MRT.
Parang kasing pakiramdam ko, hati ang pagkatao ko at may distansyang pumapagitna at lumalawak pa, bunga ng trabahong hinaharap ko ngayon. Noon naman, bagamat 2 ang hanapbuhay ko, nakakahanap ako ng paraan upang panatilihing buo, iisa o kaya'y magkarugtong ang aking mga gawain at mithiin sa buhay. At ang distansya, kumbaga nga naman ay transaksyunal na nakakayanan ko namang ipagtabi ang daang nilalakabay. Ang trabaho ko sa munti kong paaralan ay para sa aking mga anak at ilang pamilya at kabataan, at bilang pagsasakatuparan ng ilang panaginip bilang isang guro habang naman ang panahong ginugugol sa UPOU ay bilang pamumuhunan sa kinabukasan na rin ng aking mga anak.
Subalit ngayon, kinailangang kong pumili ng 1 buhay, at parang biglang kelangan iwanan ang dating buhay. Sinisimulan kong itaguyod ang buhay ko sa Binan-Sta Rosa, isang lugar na kahit tila bagang nagpapanggap na urban bagamat ang mga pamamaraan ay napaka-rural, ay natutunan ko na ring angkinin dahil namamahay na ako sa isang lungga doon. Bunga ito ng desisyon ko hinggil sa pag-aaral ng aking anak, na kinakailangan ko rin namang panindigan dahil pinili ko rin naman gawin ito. Subalit sa pagpiling yun, di ko naman inisip ang katumbas na magaganap pa kase ganun naman talaga kapag kinailangan mo ng kagyat na desisyon--susunggaban mo na lamang at kakayanin mo ang mga resulta nito. At gayun na nga--biglang nawalay ako sa dati kong mga minamahal--kapwa guro (kasama asawa ko dun), estudyante (kasama mga anak at inaanak ko duon) at ang pagtuturo at research.
Kaya tuwing bumabiyahe ako pauwi gayun na lamang ang paghahalo ng damdamin ko--natutuwa akong makita ang mga mahalaga sa aking buhay, may kaunting lungkot kapag sila'y kelangan iwanan, nalilito sa kung alin ang aking pamamahay habang din naman naghahanap ng batis ng saya sa bago kong trabahong ginagawa, kahit walang katiyakan kung anong mangyayari sa kin pagkatapos ng 2 taon. May mga panahong hinahambing ko ang dati kong gawain sa ginawa ko ngayong at tinatanong ang sarili kung tama ba o sulit ang naging desisyon ko. Pilit kong kinakalimutan ang mga ganoong tanong na hindi na dapat tinatanong at imbis iniisip bakit ganito ang aking nadarama.
Sa mga biyahe sa MRT, usapang trabaho at kung anu ano rin naman ang nagiging libangan bago marating ang Trinoma. Subalit tuwing nakikita ang ibang kapwa sa MRT, at sabay sabay kaming nagsisiksikan at nagmamadaling umuwi, bagamat may mukhang pagod o sariwa, may mga nag-iisip, tulog o may kinakausap, iisa kaming lahat sa aming pakay sa buhay. Lahat kami sa MRT, piniling mabuhay sa Pilipinas dahil marahil wala kaming magagawa, o kaya dahil kasama yun sa desisyong manatiling subukan ang lahat nang aming makakaya na mabuhay sa sariling bansa, kung nasaan rin ang aming mga mahal sa buhay, at mga mamahalin pa hanggang kamatayan!!!
Subalit ilan kaya kaming nakadarama ng pagiging OCW sa sariling bansa. At bakit nga ba ganito ang nadarama ko. Dahil baga, heto na naman ako, iniwanan ang isang ligtas na kinalalagyan upang makipagsapalaran. Sa edad na ito, ano pa nga ba ang maari pang mawala sa pagkatao ko sa ilang panunugal na ginawa ko. Marahil nga meron, subalit di ko na sinubukang tandaan--mga paglalaan ng oras para sa mga mahalagang pagkilos (causes and advocacies), mga kinakaibigan at biniBF para sa mga ganitong gawain, paulit ulit na pagbuhos ng utak at puso sa mga organisasyong inaasawa, at hinihiwalayan din. Parang isang OCW kung saan-saang napadpad at namamahay, nabubuhay at nagmamahal, at kinikitil ang ilang relasyon para harapin ang kinakailangan harapin.
Pero dahil tao rin lamang ako, naghahanap din ako ng munting kapalit---nang sa gayon tuwing umuuwi ako sakay sa MRT, maari kong isipin ang ilang maliliit na gantimpala o kasiyahan pantawid-buhay mula sa aking mga kinagisnang gawa at bagong gawain, mga dating minamahal at bagong mamahalin, mga panghabambuhay na kakilala at kikilalanin pa.
Pero dahil tao rin lamang ako, naghahanap din ako ng munting kapalit---nang sa gayon tuwing umuuwi ako sakay sa MRT, maari kong isipin ang ilang maliliit na gantimpala o kasiyahan pantawid-buhay mula sa aking mga kinagisnang gawa at bagong gawain, mga dating minamahal at bagong mamahalin, mga panghabambuhay na kakilala at kikilalanin pa.
Tulad din marahil sa ilang mga biyaherong nasanay na sa byahe at naghahanap ng ilang katutuwaang magbibigay aliw sa isipan para lang maiwasan ang pagkabato o pagkainip sa byahe o pagkapikon sa lahat na pasikot-sikot na pila, pati na rin ang lahat ng uri ng amoy at usok na bumabagabag sa isip at hininga. Ang paborito kong pantawid buhay sa mga ganitong byahe ay mga tao ring buhay katulad ko subalit tila bagang sila ay mga palaisipan. Dalawa sila ngayon na sinusubukan kong maunawaan dahil iba ang naging pinili nilang buhay. Sa ilang mga kwento nung isa, napapaisip rin ako sa sarili kong mga karanasan, desisyon at pinahahalagahan bilang tao. Paminsan nilalagay ko ang sarili ko sa kanyang karanasan at sinusubukan kong gunigunihin ano kaya ang kanyang mga nararamdaman o pinag-iisipan o di kaya kung ako ang nakaluklok sa sitwasyon nya, ano kaya ang magiging kahulugan sa akin noong karanasan na iyon. Ano kaya ang aking tutunguhin at bakit nga ba nagkasama kami ngayon? At sadya lang bang narito kami pareho ngayon? Ano kaya ang kahihinatnan ng byahe namin sa panahong hinaharap namin ang aming bagong trabaho? At paano kaya pagdating sa panahong ang isa sa amin ay magbago ng daan? At dahil lahat ng byahe ay aabot sa puntong hiwalayan, ano ang silbi ng mga palaisipan at mga pagkilanlanan?
I can go on and on and on wondering why the moon waxes and wanes. Should I even ask the heavens for why's and WTF'in not's!!!
I can go on and on and on wondering why the moon waxes and wanes. Should I even ask the heavens for why's and WTF'in not's!!!
Kaya lulunukin ko itong chang-inang Pale Pilsen, kahit ilan pa. Lulunurin ko ang sarili ko sa karanasang pagiging isang OCW sa sariling bansa kung ito lamang ang paraan upang ako'y sumisid sa kailaliman ng pag-aalinlangan upang lumangoy papataas at muling maramdaman ang buhay. Magbabago kaya ang aking paningin sa aking kahapon at ngayon?
Makahanap nga ng maong jaket katerno ng beer na 'to!
Makahanap nga ng maong jaket katerno ng beer na 'to!
No comments:
Post a Comment